3.05.2014

Dekonstruksyon

"Tong Tong Tong Pakitong Kitong" 
(Filipino Old Poem/Song) 
Tong Tong Tong 
Pakitong Kitong, 
Alimango sa dagat, 
Malaki at masarap, 
Mahirap hulihin, 
Sapagkat nangangagat. 

Pagiging kakaiba para sa akin ang sinasagisag ng alimango. Maliban sa ipinaaalala nitong hindi lahat ng tutunguhin o landas ay pa-abante tulad ng nakasanayan, nagsisilbi rin itong isang hayop na sumisimbolo ng pagkakaroon ng matinding proteksyon. 

Tulad na lamang sa tulang ito, ang "Tong Tong Tong Pakitong Kitong", sa tulang ito iuugnay o maihahali ko ang alimango bilang isang indibidwal o makapangyarihang nilalang na mayroong sinasakupan, maaring isang pulitiko, maimpluwensyang pinuno o kaya nama'y mayamang amo na kayang hawakan o paikutin ang mga tao sa ilalim ng kanyang sistema. 

"Tong tong tong pakitong kitong, Alimango sa dagat," 

Dito sa unang dalawang linya ng tula nakikita ko, gaya ng nasabi ko, ang isang maimpluwensyang tao- ang alimango, na nagpapakitong kitong lamang o sa modernong panahon ay nag-hahayahay lamang. 

"Malaki at masarap," 

Ang mga salitang ito'y naglalarawan at tumutukoy sa posisyon o kinalalagyan ng mga alimangong ito, bukod sa bigtime ang maging makapangyarihan, masarap para sa mga tulad nila ang mayroong nahahawakan at napapaikot kahit na hayahay lamang naman sila. 

"Mahirap hulihin, Sapagkat nangngagat." 

Kahit sa anong anggulo natin titingnan, tunay na hindi basta basta ang paghuli sa mga masasamang gawain at pamamalakad ng ganitong klase ng mga indibidwal. Ito ang laman ng huling mga linya ng tula. Lalo na kung pera lamang ang pag-uusapan o ang pinakamadalas na kanilang gingawa-- ang paggamit ng kanilang kapangyarihan sa mga maling bagay o pamamaraan. Halimbawa na ang pananakot, panunulsol at pananakit na kung minsa'y tutungo sa pagpaslang. 

Sa kabuuan, ipinaaalala lamang ng tulang ito ang hindi matapos tapos at patuloy pa ring pagpapahirap at pagpapaikot ng mga taong ganid sa mga walang kalaban laban na mga sibilyan na may mababang estado sa buhay. Nabibigyan ang manunulat ng kalayaang makapag-isip at mag-lathala ng higit pa sa literal na nakikita at nababasa ng mga mata. 

Ito ang nilalaman ng Teoryang Simbolismo. Napagdurugtong dugtong ang mga karakter at tema ng buong pyesa gamit ang Simbolismo. Bukod sa nabibigyan nito ng mas malalim na kahulugan ang isang pyesa, mas nagiging interesado ang mga magbabasa sapagkat nabibigyan sila ng pagkakataong masilip ang mga ideya ng manunulat at kung paano niya pinakakahulugan ang mga bagay at kilos na may mas malalim na implikasyon, ngunit sa karamiha'y itinuturing lamang na normal.